“Kuya, penge ng kulangot,” sabi niya.
Ang unang pumasok sa isip ko, hindi ko siya kapatid. Noon lang kami nagkita; nagkataong siya ang nakatabi ko sa bus pauwi. Kung akala niya, nadadala ako sa pa-“Kuya, kuya” ng mga taong hindi ko kilala, nagkakamali siya. Pangalawa, sa pagkakaalam ko, ang kulangot ay sinusungkit mula sa ilong upang ipahid sa ilalim ng mesa, idikit sa pader, iipit sa panyo, lunurin sa lababo o itapon sa basurahan. Hindi ipinapamigay ang kulangot. At pangatlo, sakaling nahihingi man ang kulangot, bakit ko naman ibibigay ang kulangot ko sa kanya? Habang nakasakay sa bus kasama ang humigit-kumulang animnapung pasahero?
“Wala akong kulangot.”
“Meron e. Kakasilip ko lang kaya! Dali! Penge na!”
Napakabastos naman nitong batang ito, sa loob-loob ko.
“Sabi nang wala e. Nasaan ba ang nanay mo?”
May halong paninindak ang tanong, nang sa gayon, maligaw na ang usapan at ako ay makasandal sa bintana upang matulog.
“Wala akong nanay. At wala rin akong tatay. Bigla na lang akong lumitaw sa mundong ibabaw.”
Gaaaaad. Kawawa naman ang batang ito; wala pang sampung taon, mukha nang takas ng psychiatry ward. Manghihingi ng kulangot, pagkatapos, sasabihing sumulpot na lang na parang kabute. Ayoko nang itanong kung ano ang pangalan niya, baka sagutin ako ng “Jesus Christ” at hindi ko kayanin.
“Boy,” hinawakan ko ang kanyang ulo at inilingon patungo sa telebisyon ng bus, “Mabuti pa, manood ka na lang. Baka sakaling matutunan mong hindi nahihingi ang kulangot at hindi mina-magic ang mga bata.”
“Hmp, madamot,” sambit niya sabay irap.
O, huwag nang patulan, pagpipigil ko sa sarili. Bata iyang aawayin mo, post-duty ka pa. Isang buong araw ka nang gising kakapaanak ng mga nanay, itulog mo na lang iyan.
Nakatitig na sa tv ang namamalimos ng kulangot. Kasalukuyang ipinapalabas ang isang tatay na nanghihingi ng donasyon para sa anak niyang may hydrocephalus: “Madalas nga, tinatanong naming mag-asawa sa Diyos, bakit kami pa? Sa dinami-dami ng tao sa mundo, bakit ang nag-iisang anak pa namin ang magkakasakit ng ganito.”
Mahirap siguro maging Diyos. Bagsakan ka na nga ng lahat ng hiling, bagsakan ka pa rin ng lahat ng sisi.
Araw-araw ko nang nakakasalamuha ang mga pasyente ng PGH. Hindi ko na sila kailangang mapanood sa telebisyon. Ikinabit ko ang baon kong earphones at pinatugtog ang radyo ng aking telepono. Kinakanta ng Hoobastank ang “I’m not a perrr-fect perrr-son….”
Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 24 na oras, ipinikit ko ang aking mga mata.
Ginising ako ng marahang pagtapik sa aking balikat.
“Boss, saan kayo?”
Ang konduktor, naniningil ng pamasahe.
“Southmall, galing PGH, estudyante.”
Dinukot ko ang mga nakahandang barya sa aking bulsa. “Sino nga pala ang nagbayad dito?” pabulong kong tanong habang inginunguso ang katabi kong nakatulog din pala.
“Iyan? Walang bayad iyan,” mabilis niyang sagot saka abot sa akin ng tiket.
“Bakit?”
Subalit lumipat na siya sa susunod na hilera ng mga pasahero.
“E wala talaga akong bayad e!”
Aba! Gising pala ang mokong.
“Ano? Bibigyan mo na ako ng kulangot?”
Kung nagkataong may hawak siyang baril, malamang nakatutok na ito sa butas ng ilong ko. Para lang sa walang kakwenta-kwentang kulangot na gawa sa aking uhog at sa alikabok mula sa Ospital Heneral ng Pilipinas.
“Teka nga. Seryosong tanong, at kailangan ko rin ng seryosong sagot. Nag-iinit ang ulo ko sa mga pilosopo.”
“Tapos, ‘pag sinagot ko ang tanong mo, bibigyan mo na ako ng kulangot? Yehey!”
“Aanhin mo ba ang kulangot ko?”
Sa pagkakataong ito, umasa akong sisigaw siya ng “Wow! Mali!” o kaya ay “Yari ka!” at pagkatapos ay ituturo sa akin ang kamerang nakakubli sa isang maleta sa kabilang hanay ng mga upuan.
“Wala lang. Nangongolekta kasi ako ng kulangot.”
Uh-oh. Oras na para tumawag sa mental.
“E bakit hindi ka na lang mangulangot buong araw at magdamag?”
“Gusto ko kasi kulangot ng iba.”
“Ha? Aanhin mo naman ang kulangot ng iba?”
“Kinokolekta ko nga e. Ang kulit mo naman Kuya!”
At ako pa raw ang makulit!
“Bakit nga? Aanhin mo naman ang kulangot ng ibang tao?” Nakakunot na ang noo ko. Hindi na ako natutuwa.
“Wala lang.”
Weirdo. Mas gugustuhin ko pang mabiktima na lang ng isang practical joke show kaysa makipagtalo sa batang ito.
“Hindi pwedeng wala lang. Hindi pwedeng walang bakit.”
“Bakit naman hindi?”
“Ganun talaga kapag tumatanda ka na. Hindi pwedeng ‘wala lang’ dahil lahat ng bagay, may dahilan. Lahat ng pangyayari. Lahat ng hindi nangyayari. Lahat ng tuwa. Lahat ng luha. Lahat ng pagod. Lahat ng sakripisyo. Lahat ng nakakalimutan. Lahat ng nagbabago. Lahat ng nabubuhay. Lahat ng nagkakasakit. Lahat ng namamatay. Kahit kulangot ko, may dahilan kung bakit nasa ilong ko at wala sa kamay mo!
“Kapag matanda ka na, mahirap tanggapin na ang lahat ay nangyayari dahil ‘wala lang.’ Na lahat ng paghihirap mo sa araw-araw ay wala namang patutunguhan, at sa huli ay wala ring saysay. Para mo na ring inamin na ang buhay mo ay walang silbi. Naiintindihan mo ba iyon?”
Tulala ang bata.
Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Lima.
Anim. Pito. Walo. Siyam. Sam-….
“Ang sungit mo naman. Madamot ka na nga, masungit pa. Mabuti pa yung katabi kong babae kanina, binigyan agad ako ng kulangot. Wala nang ‘Bakit? Bakit?’”
Grrrr.
“E ‘DI SA KANYA KA HUMINGI, HUWAG SA AKIN!”
Akala ko, mapapaiyak ko ang batang walang nanay at walang tatay. Lagot kapag nagkataon.
Pero hindi siya umiyak. Bagkus, siya ay tumayo, nag-ayos ng nagusot na damit, humarap sa akin, tinitigan ako sa mata at nagsabing, “Alam mo, yung babaeng nagbigay sa akin ng kulangot, mas masaya siya kaysa sa iyo.”
Tinawag niya ang konduktor. Pinahinto ang bus at dali-daling bumaba.
Si Kuya?
Tulala.
Isa. Dalawa. Tatlo.
Apat. Lima. Anim.
Pito. Walo. Siyam.
Sampu.